BINALAAN ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga Pinoy na nasa Hong Kong laban sa sakit na avian flu kasunod nang pagkamatay ng isang 75-taong gulang na lalaki na nahawaan lang ng naturang sakit.
Pinayuhan ni Labor and Employment Secretary Rosalinda Baldoz ang mga Pinoy sa Hong Kong na umiwas sa mga hayop na tinamaan ng impeksyon ng avian flu o bird flu.
Pinaiiwas din ang mga ito na magtungo sa mga poultry, slaughterhouses at animal market at tiyaking maayos na naluto ang karne o meat products kasama na ang itlog.
Para naman sa mga overseas Filipino workers (OFW) na ang hanapbuhay ay may kinalaman sa poultry work o di kaya ay tumutugon sa avian flu outbreak, pinapayuhan sila na sumunod sa mga inirekumendang bio-security and infection control practices, kasama na ang paggamit ng tamang personal protective equipment gaya ng surgical masks.
Anang Kalihim, mas mabuti rin kung pananatilihing malinis ang mga kamay.
Pinapayuhan din ni Baldoz ang mga OFW na huwag makipag-close contact sa ibang tao, o umiwas sa paghalik, pagyakap, paghihiraman ng mga kubyertos o baso lalo na sa mga taong maysakit.
Para naman sa mga OFW na nagpapakita na ng sintomas ng H7N9 virus gaya ng lagnat, ubo at hirap na paghinga, makabubuting kaagad na silang magpasuri sa duktor.
Sakali naman umanong nakatakda na silang umuwi sa Pilipinas, mas mainam kung ipagpapaliban muna nila ang balak hanggang sila ay payagan ng doktor na makabiyahe.
The post OFWs sa HK binalaan vs avian flu appeared first on Remate.