NAKASALALAY sa magiging desisyon ng Korte Suprema kung papatulan ang hirit ng Senado na magtatag ng special criminal court na magdaraos ng araw-araw na paglilitis laban sa mga mambatatas at ilang indibidwal sa pangunguna ni Janet Lim-Napoles na pawang sangkot sa pork barrel scam.
Ayon kay Deputy Presidential spokesperson Abigail Valte, walang kapangyarihan ang Malakanyang na pagbigyan ang hinihirit ng mga senador na magkaroon ng special criminal court.
Wala naman aniyang magiging problema sa kanila kung sakali at pagbigyan ng Korte Suprema ang panawagan ng Senado.
Sa ulat, sinabi ni Sen. Chiz Escudero na nasa mandato ng Saligang Batas ang pagkakaroon ng mabilisang pagdinig sa bawat kaso ngunit ibang usapin aniya na gawing araw-araw ang trial lalo na sa kaso ng pork barrel scam.
Aniya, pangit pakinggan na sa ganitong kaso ay mayroong espesyal na korte na didinig, sa halip dapat aniyang tiyakin ng pamahalaan na lahat ng kaso ng katiwalian sa gobyerno ay prioridad.
Ngunit, sinabi naman ni Senate majority floor leader Sen. Alan Peter Cayetano na hindi lamang nakasentro ang kanyang panukala sa kaso ni Napoles at ilang mga senador kundi sa lahat ng malalaking plunder cases.
Isang paraan aniya ito na matakot ang mga nagbabalak na gumawa ng katiwalian sa gobyerno kung ang paglilitis sa kaso ay mabilisan para agad na maparusahan ang mga akusado.
Sa Senado ay nasa plenaryo na ang panukalang batas ni Senate President Franklin Drilon na naglalayon ng mabilisang pagresolba sa mga nakabinbin na kaso sa Sandiganbayan.
Kabilang sa probisyon ng panukala ni Drilon ay sa halip na tatlo ay magiging dalawa na lamang ang quorum ng bawat pagdinig ng isang Division sa Sandiganbayan, at maaari nang tumanggap ang nag-iisang justice ng anumang ebidensya mula sa mga partido ng kaso.
The post Pagtatatag ng special criminal court bahala ang SC appeared first on Remate.