NILINAW ni Manila Vice Mayor at Traffic Czar Isko Moreno na hindi dapat isisi sa ipinatutupad nilang “truck ban” sa Maynila ang pagbagsak ng ekonomiya o tinatawag na “economic loss” dahil mismong ang truck operators ang nagdesisyon na magkaroon sila ng “truck holiday”.
Sa mensahe ni Moreno sa isang networking site, ang truck operators ang nagdesisyong huwag bumiyahe kahit binigyan na sila ng pamahalaang lungsod ng Maynila ng “window hours” kung saan napaulat na nagkaroon umano ito ng malaking epekto sa takbo ng ekonomiya.
“The so called “economic loss” being reported is not because of the truck ban itself but rather because of the selfish decision of the truck operators to stage a truck holiday. Sila po ang may desisyon na wag bumiyahe kahit binigyan sila ng Lungsod ng Maynila ng 10:00am to 3:00pm window hours. Nagdagdag lang po tayo ng additional 2 hours sa kasalukuyang truck ban na pinapatupad ng MMDA,” ayon kay Moreno.
Ayon pa kay Moreno, nauna nang iminungkahi ni Batangas Congressman Raneo Abu na i-decongest na ang Port of Manila at ilipat sa mas malaki at modernong Port of Batangas dahil 60% umano ng mga kargamento o shipment sa Port of Manila ay papunta rin lahat sa CALABARZON area (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon).
Matatandaan na ipinatupad ni Manila Mayor Joseph Estrada ang truck ban sa nabatid na lungsod kung saan bawal bumiyahe ang mga truck mula alas-5:00 ng umaga hanggang alas-9:00 ng gabi sa araw ng Lunes hanggang Sabado gayunman nagbigay naman ang pamahalaang lungsod ng limang oras na “windows” kung saan papayagang makapasok sa Maynila ang mga truck mula alas-10:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon.
Sa paliwanag ni Estrada, experimental pa naman ang daily truck ban sa ngayon at kung hindi maganda ang kalalabasan ay siya rin aniya ang magpapabago sa ordinasa sa city council.
Sa ngayon aniya, dapat sumunod muna ang mga truck dahil may sinusunod nang ordinansa dahil para rin naman aniya ito sa nakararami.
Ang nasabing ordinansa ay ipinatupad sa Maynila upang maibsan ang mabigat na daloy ng trapiko na isa sa mga ipinangakong pagbabago ng administrasyong Estrada at Moreno.
The post Economic loss huwag isisi sa truck ban – Isko appeared first on Remate.