SINERMUNAN ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino ang contractor ng Skyway 3 project bunga ng mga kapalpakan kaugnay sa mga napagkasunduan habang isinasagawa ang naturang proyekto.
Sinabon ni Tolentino ang contractor matapos makatanggap ng maraming reklamo at pagbatikos mula sa mga motorista at iba pang mga naapektuhan ng proyekto na ang sinisisi ay ang ahensya gayung lumalabas na hindi nasunod nito ang napagkasunduan bago simulan ang konstruksyon.
Ayon kay Tolentino, hindi nito sinunod ang napagkasunduang paglalagay ng sapat na babala at mga traffic signage sa construction site na magsisilbing gabay ng mga motorista, gayundin ang paglalagay ng close circuit television (CCTV) camera sa kahabaan ng Osmeña Highway.
Hindi rin natupad ang usapan na magtalaga ng tagapagsalita ang Skyway o kahit na public information center sa lugar na pagsisimulan ng proyekto upang may mapagtanungan ang publiko at mga motorista.
Muling ipinaalala ni Tolentino na dapat ay 24-oras ang pagtatrabaho sa naturang proyekto upang makamit ng contractor ang tamang panahon upang maisakatuparan ito.
Nangako naman ang Skyway management at ang contractor nito na isasagawa ang mga pagbabago upang matupad ang napagkasunduan bago simulan ang Skyway 3 project.
The post Contractor ng Skyway 3 project sinermunan ng MMDA chair appeared first on Remate.