HINAMON ni Navotas Rep. Toby Tiangco si House Speaker Feliciano “Sonny” Belmonte, Jr. na ilabas na ang listahan ng mga kongresistang nakinabang sa P6.5 bilyong Disbursement Acceleration Program (DAP).
Ginawa ito ni Tiangco, United Nationalist Alliance (UNA) Secretary General isang araw matapos hamunin si Budget Secretary Butch Abad na iulat na ang buong detalye ng inilabas na pondo para sa DAP.
“So for Speaker Belmonte, for the integrity of the House, sana naman yung lahat ng DAP na nagdaan dito ay ilabas na nila ‘yung listahan, kung kani-kanino napunta ‘yun,” ani Tiangco.
Giit pa ni Tiangco na hindi patas para sa mga kongresistang katulad niya na hindi tumanggap ng pondo mula sa DAP ang patuloy na paglilihim kung sinong mga mambabatas ang nakinabang dito.
“Ano ba namang masama kung ilabas ni Speaker Belmonte ‘yung lahat ng DAP na dumaan dito sa HoR. Para magkaalaman na. Ang pinaka-importante dito ay transparency eh. Kung wala kang tinatago, ipakita mo lahat,” sinabi pa ni Tiangco.
Ngunit tugon naman dito ni Belmonte na dapat ay kay Abad sabihin ni Tiangco ang kanyang hamon.
“Better ask the DBM if any,” giit ni Belmonte.
Ayon kay Tiangco, hindi naman maikakaila ni Abad na ang pondo ng bayan ay napunta sa mga pekeng non-government organizations (NGOs) na may basbas ng kalihim.
Isa naman si Cavite Rep. Elpidio “Pidi” Barzaga, Jr., na naging prosecutor sa impeachment trial laban kay dating Chief Justice Renato Corona ang tumangging tumanggap siya ng P10 milyong DAP noong 2012.
The post Iba pang nakinabang sa DAP ipinalalantad kay SB appeared first on Remate.