PINAWI ni provincial health officer, Dra. Ana de Guzman ang pangamba ng mga residente sa Pangasinan hinggil sa pagkalat ng “flesh-eating bacteria” na sinasabing isa sa mga hula ng isang kilalang propeta sa mundo.
Sinabi ni de Guzman, ang sakit ng dalawang pasyente na mula sa bayan ng Villasis at Santa Barbara ay hindi “flesh-eating bacteria.”
Base aniya sa diagnosis ng Philippine General Hospital (PGH) at Region I Medical Center, ang mga biktima ay dumaranas ng psoriasis, isang uri ng skin disease.
Hindi rin nakakahawa ang sakit na ito, pero posibleng mailipat sa ibang taong may sugat sa katawan.
Upang makatiyak, pupuntahan ng mga kasapi ng Provincial Health Office (PHO) ang dalawang pasyente sa Santa Barbara at Villasis upang alamin ang kalagayan nila at maisagawa ang karagdagang pagsusuri sa kanilang sakit.
Sinabi naman ng ilang mga kamag-anak ng mga biktima na paiba-iba ang diagnosis ng mga doktor na kanilang pinuntahan.
Anila, may nagsasabi na psoriasis, leprosy ang iba naman ay hindi.
Dahil dito, dumulog na rin sila sa mga albularyo.
Todo naman ang panawagan ng tulong ng mga pamilya ng mga biktima.
Samantala, ikinakabit naman ng ilang residente ang naturang pangyayari sa sinabi noon ng propeta na si Sadhu Sundar Selvaraj.
Lumabas kasi ang balita na may sinabi raw si Sundar na kakalat sa lalawigan ng Pangasinan ang isang matinding sakit na tila kumakain sa balat at laman ng tao.
Si Sadhu rin ang nagsabing babayuhin ng todo ang Samar at Leyte ng malakas na bagyo at magkakaroon ng lindol sa Pilipinas.
The post Flesh-eating bacteria sa Pangasinan, pinabulaanan appeared first on Remate.