MARIING binalaan ni Davao City vice mayor Rodrigo Duterte ang lahat ng mga drug pushers sa lungsod ng Davao na umalis na sa siyudad sa loob ng bente kuwatro oras.
Sa programa ni Duterte, nagbigay siya ng babala sa lahat ng sangkot sa illegal drug trade lalo na matapos mamatay si Police Officer Allan Borling Balingit.
Maaalala na namatay si Balingit matapos itong nanlaban sa mga enforcers ng PDEA nang mahuli ito sa buy-bust operation na nagtutulak ng iligal na droga.
Galit na galit si Duterte ng malaman ang insidente at nagbabala na kung hindi pa makalalabas sa loob ng bente kuwatro oras ang lahat ng mga drug pushers at users sa Davao city, ay magpasensyahan na lang umano.
Tinukoy din ni Duterte ang barangay 23-C Mini Forest boulevard na napag-alamang maraming illegal drug trade ang nagaganap.
Dagdag pa ng bise alkalde na kung magpapatuloy ang iligal na pagbebenta ng droga sa Mini Forest boulevard, kailangang mag-resign na ang kanilang barangay captain na si Amilbangsa Manding bago maging huli ang lahat.