PANSAMANTALANG nakalabas ng kulungan ang drayber ng Florida bus na nahulog sa bangin sa Bontoc, Mt. Province, na ikinamatay ng 15.
Ito ang kinumpirma ng abogado ng GV Florida Transport na si Alex Versoza matapos makapaglagak ng piyansa sa korte.
Mula aniya sa orihinal na piyansa ng Bontoc Municipal Trial Court na P80,000, ay humirit sila na maibaba ito sa P40,000.
Ngunit sa P50,000 na piyansa pumayag ang korte.
Agad namang nagpasok ng piyansa ang drayber na si Edgar Renon kaya nakalaya na ito nitong nakaraang Biyernes lamang ng hapon.
Dagdag ni Versoza, isasalang sana sa arraignment si Renon sa Municipal Trial Court pero dahil may menor-de-edad na kabilang sa mga biktima, kailangang iakyat ang kaso sa Regional Trial Court (RTC).
Nahaharap si Renon sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide and multiple physical injuries.
Sa Pebrero 28, magkakaroon ng pagdinig ang LTFRB sa Bontoc at inaasahang dadalo si Renon at konduktor nito.
Una nang nanindigan si Renon na wala siyang pagkukulang sa naganap na insidente at mechanical error ang dahilan kaya bumulusok ang kanyang sasakyan sa bangin.
The post Bus driver sa Mt. Province accident laya na appeared first on Remate.