BINATIKOS ni Sorsogon Bishop Arturo Bastes ang target ng pamahalaan na resolbahin ang problema ng Pilipinas sa kahirapan, sa loob ng 20-taon.
Ayon kay Bastes, nakapagtataka ang napakatagal na target ng administrasyong Aquino na tuldukan ang kahirapang nararanasan ng mga Pilipino na maaari namang maisakatuparan sa loob ng limang taon.
Iginiit ni Bastes na malaking kasalanan sa taumbayan ang hayagang katamaran at kakapusan ng ideya ng pamahalaan sa pagpapatupad ng mga programa para isalba sa kahirapan ang 27.8-percent na poverty incidence sa Pilipinas.
Anang Obispo, magiging mabilis ang pagtugon ng administrasyong Aquino sa kahirapan kung seryoso ito sa pagsugpo sa laganap na katiwalian at totoo ang slogan na “daang matuwid”.
Nanindigan ang Obispo na katiwalian ang ugat ng kahirapan ng mga Pilipino.
Sinabi pa ng Obispo na napakayaman ng Pilipinas subalit ninanakaw lamang ng mga tiwaling opisyal ang kaban ng bayan.
“Philippines is rich! But money is stolen by politicians and other crooks! Corruption is the main cause of poverty! Eliminate corruption totally and sincerely! 20 years it’s too long! It should only be 5 years!,” paninindigan ni Bastes.
Nauna rito, inamin ng pamahalaan ang pagsuko na tugunan o maresolba ang problema sa kahirapan.
Inihayag ng National Economic and Development Authority (NEDA) na kapag pumalo ng 7.5-percent ang gross domestic product ng Pilipinas ay aabot ng 20-taon ang dadanasin na paghihirap ng may 12-milyon na pamilyang Pilipino.
Sa inilabas na survey ng Transparency International noong December 2013, ang Pilipinas ay nasa ika-36 na puwesto mula sa 100 mga bansa na mataas ang insidente ng katiwalian sa mga namamahala.
The post Pagresolba sa kahirapan binatikos ng obispo appeared first on Remate.