PATAY ang 28-anyos na dating Overseas Filipino Worker (OFW) nang barilin sa mukha ng hindi pa nakikilalang salarin sa harapan mismo ng ina ng biktima kahapon sa Taguig City.
Dead on arrival sa Taguig-Pateros District Hospital ang biktimang si Johnny Aboy, 28 ng Blk. 1 Lot 7, Aniceta St., Purok 1, Brgy. Central Bicutan sanhi ng tama ng bala ng hindi pa nabatid na kalibre ng baril sa mukha at kaliwang bahagi ng kanyang katawan.
Pinaghahahanap naman ng pulisya ang nakatakas na suspek na nakilala lamang sa alyas “Jake” sakay ng isang motorsiklo na minamaneho ng hindi pa nabatid na kasamahan nito patungo sa East Service Road.
Sa imbestigasyon, naganap ang insidente ng pamamaril alas-4:10 ng hapon sa mismong pintuan ng bahay ng biktima.
Sa pahayag ni Jocelyn Aboy, ina ng biktima sa pulisya, nasa loob siya ng kanilang bahay nang marinig ang boses ng isang lalaki na hinahanap ang kanyang anak.
“Narinig ko na sinisingil nung Jake, kasama ang isa pang lalaki ng P3,000 ang anak ko bilang bayad daw sa iligal na droga. Nang sabihin ng anak ko na wala pa siyang pera, bigla na lang siyang pinagbabaril ng suspek,” pahayag ni Jocelyn sa pulisya.
Sa kabila nito, pinili na lamang ng mga kaanak ng biktima na tumahimik na lamang hinggil sa naganap na krimen kung saan ay tumanggi silang maghain ng kaukulang demanda laban sa mga suspek sa pangamba na sila naman ang pagbalingan at patayin ng grupo ng sindikato ng iligal na droga.
Ayon sa pulisya, natatakot ang pamilya ng pinaslang na OFW dahil mahirap umanong kalaban ang sindikato ng ilegal na droga.
The post Ex-OFW binoga sa mukha sa Taguig, utas appeared first on Remate.