NAGPAPASAKLOLO sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang isang overseases Filipino worker (OFW) na nakulong dahil sa kasong pagpatay sa Saudi Arabia.
Sinabi ni Nelson Balancio, na tumawag sa kanya ang kapatid na si Ranny Balancio, tubong Bauang, La Union upang ipaalam ang kanyang kalagayan sa kulungan.
Nababahala sila sa maaaring ibabang hatol ng hukuman na parusang kamatayan laban sa Pinoy worker na nasasakdal sa pagpatay sa kapwa Pinoy na si Stieve Dingle na tubong Pangasinan noong Hulyo 2013.
Ayon pa kay Nelson, nais lamang nilang magkapatid na malaman mula sa OWWA ang sinapit ng kanyang kapatid.
Matagal na umanong ipinaalam ni Nelson sa nabanggit na tanggapan ang sinapit ng kanyang kapatid ngunit hanggang ngayon ay wala pang linaw hinggil sa nasabing kaso.
Handa rin namang makipag-areglo ang kaanak ng nasasakdal sa naulila ng biktima upang iurong na lamang ang kaso.
Si Ranny ang pumatay kay Dingle sa Saudi Arabia dahil lamang sa paggamit ng Facebook account.
Samantala, tiniyak naman ni OWWA Regional Office-1 officer Rhoda Lee na kanilang tututukan ang kaso ni Balancio.
Hinihintay lamang nila ang tugon ng embahada ng Pilipinas na nakabase sa Riyadh, Saudi Arabia upang malaman ang status ng kaso ng nasabing Pinoy.
Pinawi rin ni Lee ang pangamba ng kaanak ng OFW at tiniyak rin nito na hindi pababayaan ng pamahalaan si Balancio.
Nakikipag-unayan umano ang embahada ng bansa sa counterpart nito sa Saudi government upang matulungan ang nakakulong na Pinoy.
The post Pinoy na pumatay ng kabaro sa Saudi, nagpapasaklolo appeared first on Remate.