INIHAYAG ng isang commissioner ng Commission on Elections (COMELEC) na pinag-aaralan na nila ang pagkakaroon ng internet voting system sa 2016 presidential elections.
Ito, ayon kay COMELEC Commissioner Lucenito Tagle, ay sa layuning mapataas ang voters turnout sa overseas absentee voting (OAV).
Sinabi ni Tagle, na siyang chairman ng Committee on Overseas Absentee Voting (COAV), pinag-aaralan na nila sa ngayon ang paggamit ng internet technology sa susunod na halalan, batay na rin aniya sa isinasaad ng Republic Act (RA) 10590 o ang amended Overseas Absentee Voting Act of 2013.
Sakali aniyang maaprubahan, ang mga maaaring gumamit ng internet voting ay mga seaman at iyong mga ang trabaho ay malayo sa embahada o konsulado ng Pilipinas.
Gayunman, nilinaw ng poll commissioner na sa ngayon ay 50-50 pa kung makakapag-pilot testing sila ng internet voting.
Alinsunod sa Section 28 ng RA 10590, nakasaad na ang COMELEC ay maaaring maghanap ng mas episyente, reliable at secure na paraan o sistema ng pagboto.
Noong Enero 2007, una nang inaprubahan ng poll body ang pagsasagawa ng OAV sa Singapore sa pamamagitan ng internet voting system kung saan ang Spain-based Scytl Technologies ang kinuha ng COMELEC para sa nasabing sistema.
Sa ilalim nito, ang isang botante ay tatanggap ng pin code mula sa election officers na nakabase sa Singapore para magkaron ng access sa list of voters sa pamamagitan ng internet.
Ngunit bago tuluyang maipatupad ay binawi ng COMELEC ang plano sa pangambang maharap sa patung-patong na reklamo dahil wala pang batas na nagpapahintulot noon sa internet voting system.
Nilinaw naman ni Tagle na sa ngayon ay ang Scytl palang ang kanilang nakakausap hinggil rito dahil wala pa namang ibang nagpiprisinta sa kanila, ngunit bukas naman aniya sila sakaling may ibang kumpanya na magprisinta sa kanila.
The post Internet voting system sa 2016 presidential elections pinag-aaralan appeared first on Remate.