IKINATUWA ng Malakanyang ang pagpapalaya sa dalawang Pinoy crew na kasama ng isang Jordanian TV reporter na dinukot noong Hunyo 2012.
“Naipagbigay-alam na po ito sa Pangulong (Benigno) Aquino III at ikinagagalak natin na napakawalan na po ‘yung dalawang Pilipino,” ayon kay Deputy Presidential spokesperson Abigail Valte.
“Magandang balita ang natanggap na ito ng Chief Executive na ang dalawang Pilipino na kasama ni Ginoong Baker Atyani na sina si Ramil Vela at si Roland Leftreiro ay na-release na at nasa kustodiya na ngayon ng PNP,” ayon kay Valte.
Wala naman siyang balita kung totoo ang napaulat na alam na ng mga awtoridad ang kinaroroonan ni Atyani.
“We will leave the operational details to our security forces to share with the public as they deem fit,” ani Valte.
Sa ulat, kinumpirma ni Col. Antonio Freyra ng Sulu Police, na sinusugan din ni Police Senior Supt. Renato Gumban, direktor ng Philippine National Police (PNP) – Anti-Kidnapping Group (AKG).
Ayon kay Chief Supt. Noel Delos Reyes, regional Director ng ARMM Police, na tumawag bandang alas-10:00 kagabi ang asawa ni Rolando Letrero at pinakukumpirma ang umano’y tawag ng kanyang asawa dinukot na TV crew.
Dito na kumilos ang AKG at Sulu Provincial Police Office (PPO) at natunton nga sa kwarto ng isang hotel sina Letrero at Ramilito Vela, TV crew ng Al Arabiya TV network, na dinukot sa Sulu.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang dalawa at isinasailalim sa medical examination.
Matatandaang nagtungo ang Jordanian reporter na si Baker Atyani kasama ang dalawang Pinoy crew para umano gumawa ng isang dokumentaryo hinggil sa Jolo, Sulu sa Mindanao.
Maayos umanong nakipag-usap si Sulu Governor Sakur Tan kay Atyani at nag-alok ng seguridad at sasakyan ngunit tumanggi ang huli dito.
Hindi umano tumupad sa usapan ang Jordanian journalist at umalis nang hindi nagpapaalam sa Sulu State College Hostel.
Sinasabing hindi rin nag-abiso ang grupo kung saan sa Sulu sila pupunta.
Ilang ulit pang nagsagawa ng rescue operations ang awtoridad para kay Atyani at sa dalawang Pinoy ngunit bigo ang mga ito na matunton ang kanilang kinalalagyan.
Hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang dumukot sa grupo ni Atyani ngunit hindi pa ito kinukumpirma ng awtoridad.