LIMANG TAONG tax holiday para sa industriya ng pelikula ang isinulong sa Kamara.
Isinulong ito ni BUHAY Partylist Rep. Lito Atienza sa pamamagitan ng House Bill 3480 na tatawagin ding Philippine Film Industry Tax Holiday Act of 2014.
Layunin nito ang magkaroon ng pagkakataon ang industriya ng pelikula na makaagapay sa kompetisyon sa ibang bansa.
“Our film industry used to be one of the fastest growing industries in the Philippines and in the world as well. We used to be recognized in the world in terms of creativity, originality and talent in our movies. From an average of 300 films a year, we have dropped to making less than 50 films a year,” sinabi ni Atienza.
Batay sa HB 3480 hindi pagbabayarin ng buwis sa loob ng limang taon ang mga gumagawa ng pelikula.
Ito aniya ay upang gamitin na pambili ng equipment, production ng pelikula at exhibition nito sa unang taon na maaprubahan ang panukalang batas.
Ipinaliwanag ni Atienza na malaking benepisyo para sa industriya ang nasabing panukala dahil bababa ang halaga ng produksyon ng 100 porsiyento mula sa custom duties at national internal revenue tax para sa importasyon ng machinery equipment at spare parts gayundin 100 tax credits naman sa domestic manufacturers ng anumang articles na may kaugnayan sa paggawa ng pelikula.
Ang mataas na halaga aniya ng movie production ang dahilan kaya nahihirapang magsimula ang ilang kumpanya na pumasok sa industriya ng pelikula kung kaya kailangan dito ay tax break.
Binanggit pa ng mambabatas ang katatapos na Metro Manila Film Festival kung saan ang mga lumahok na pelikula ay kumita ng halos P1-bilyon na nangangahulugan lamang na may merkado para sa local films.
The post 5-year tax free sa film industry inihain appeared first on Remate.