INAASAHANG isusumite na sa darating na Miyerkules o Huwebes kay Pangulong Benigno Aquino III ang report kaugnay sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa barilan sa Atimonan, Quezon noong Enero 6.
Sa nasabing report ay sasagutin ng ahensya ang tunay na dahilan kung bakit pinagbabaril ang 13 katao na pinamumunuan ng jueteng operator na si Vic Siman.
Aminado naman si de Lima na nahirapan ang NBI na resolbahin ang isyu na naging dahilan para maantala ang pagsusumite ng report kay Pangulong Aquino.
“What delays such completion is the analysis of the possible motive behind the deadly operations,” ayon sa text message ni de Lima.
Idedetermina rin sa report ang liability ng gobyerno sa madugong insidente kung saan unang itinanggi ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na may basbas nila ang operasyon ng sundalo at pulis na pinamunuan ni PSupt. Hansel Marantan.
Nalaman na “double-time” na ang NBI para matapos ang report at hanggang sa ngayon ay hindi pa rin naisa-sapinal ang resulta ng ballistic test sa mga armas ng mga nasangkot na awtoridad.
Gayunman, inaasahan ni de Lima na isusumite na sa kanya sa Martes, Pebrero 5, ang report at pagkatapos ay isusumite naman niya kay Pangulong Aquino.
Una nang ipinahiwatig ng kalihim ang pagsasampa ng kaso sa ilang mga pulis na sangkot sa insidente.