TINANGKANG looban ng mga miyembro ng acetylene gang ang isang bahay-sanglaan sa pamamagitan ng pagdaraan sa imburnal kanina sa Pasay City.
Nabuko ang tangkang panloloob nang makita ng isang binatilyong nangangalakal ng mapapakinabangan sa basura ang tatlong kalalakihan sa loob ng isang imburnal na mag-uugnay patungo sa Magdalena Pawnshop sa kanto ng Arnaiz Avenue at Decena St. pasado alas-11 ng tanghali.
Kaagad na isinumbong ng binatilyo kay Ervin Ballantan, security guard ng naturang pawnshop ang nakitang mga kalalakihan sa loob ng imburnal na siya naman nagsumbong sa pulisya.
Ayon kay Pasay city police chief Senior Supt. Florencio Ortilla, noon pang araw ng Sabado napuna ng guwardiya ng naturang pawnshop ang ingay na likha ng paghuhukay sa imburnal kaya’t inalerto na niya ang ilan pang katabing establecimiento sa posibleng planong pagnloloob sa pamamagitan ng pagdaraan sa imburnal.
Pinalibutan naman kaagad ng mga tauhan ng Special Weapons and Tactics (SWAT) ang lugar na pinasukan at posibleng labasan ng mga suspek upang matiyak na maaaresto ang mga ito.
Pinaputukan din ng mga pulis ang loob ng imburnal upang makumbinsing sumuko ang mga suspek subalit hanggang sa isinusulat ang balitang ito’y hindi pa rin lumulutang o lumalabas sa pinasukang imburnal ang mga kawatan.
The post Acetylene gang, huli sa imburnal sa Pasay appeared first on Remate.