SIMULA Enero 1, 2014, ang pinakamababang premium contribution ng Philippine Health Insurance Corporation (PHILHEALTH) ay nagkakahalaga na ng P2,400 para sa isang taon.
Ayon sa batas, ang contribution rate para sa mahihirap nating kababayan ang siyang dapat na pinakamababa sa lahat. Ibig sabihin ay kung ang ambag ng pamahalaan sa bawat indigent family ay P2,400/taon, ang iba pang sektor, grupo, o indibidwal ay hindi na dapat nagbabayad ng mas mababa pa rito.
Ito ay alinsunod sa mahalagang prinsipyo ng “Social Health Insurance” kung saan ang mga nakaaangat sa buhay ay mag-ambag para sa mga tunay na kapus-palad, ang mga walang kapansanan ay makibahagi sa mga mayroon, at ang mga malulusog at nasa kabataan ay magbigay upang makatulong sa mga maysakit at mga nakatatanda.
Mula pa noong 2011 ay sina-subsidize na ng ating pamahalaan ang mga mahihirap sa nasabing halaga ng kontribusyon.
Ngayong taong 2014 ay aabot na sa 14.78 milyong pinakamahirap na pamilya na nakatala sa NHTS-PR (listahanan) ng DSWD ang awtomatikong miyembro na ng PhilHealth.
Ang halagang ibinabayad ay hindi lamang para sa principal member ngunit kasama na rin ang kanilang qualified dependents na kinabibilangan ng mga sumusunod:
1. Tunay o ligal na asawa;
2. Mga anak na mababa sa 21 taon, kasama ang legitimated, illegitimate, adopted o step/foster child na legal; at
3. Mga magulang na 60 taong gulang pataas;
4. Mga anak na 21 taon pataas at magulang na mababa sa 60 taon kung may total permanent disability at lubos na umaasa sa tulong ng miyembro.
Sa madaling salita, ang karapatan at benepisyo na ibinibigay sa nagbabayad na miyembro ay pareho lamang, walang labis o kulang, sa bawat isa sa kanyang qualified dependents.
The post PHILHEALTH ADJUSTED PREMIUM, P2,400 KADA TAON appeared first on Remate.