SA panayam kay Vhong Navarro ng beteranong TV host na si Boy Abunda, ay inisa-isa ng aktor ang mga nangyari sa condo ng isang babae sa The Fort, Taguig City kung saan siya nabugbog ng anim na lalaki.
Isang milyong piso aniya ang hinihingi ng mga bumugbog kay Vhong.
Ayon mismo kay Navarro, tinakot siyang sasaktan ang kanyang pamilya kung hindi siya magbibigay ng isang milyong piso.
“Mula sa P200,000 ginawa nilang one million,” ani Vhong. “Gusto pa nga nila, dalawang million, pero sinabi kong hindi ko talaga kaya ‘yon.”
Ani Vhong, isang nagngangalang Denise na kaibigan na niya sa loob ng dalawang taon ang nag-imbita sa kanya at nagpakita ng motibo.
Dalawang beses aniya silang nagkita sa inuuwian ng babae ngunit walang nangyari sa kanila.
Sa ikalawang pagkakataon, doon siya pinagbantaang papatayin at sasaktan ang pamilya kung hindi magbibigay ng pera.
Handa na umano siyang magbigay ng pera ngunit nang humirit siyang babaan ito ay sumigaw ng ‘rape’ ang babae, nagpasukan ang mga lalaki sa condominium at pinagbubugbog siya matapos italing parang baboy.
Isasailalim sa operasyon ang actor-host na si Vhong Navarro matapos magtamo ng mga pinsala.
Ayon sa doktor, kailangang operahan ang It’s Showtime host matapos magkaroon ng mga contusion hematoma, o pamamaga at naipong dugo sa paligid ng mata, baba at noo.
Basag din ang ilong ng aktor.
Tuloy lang ang mga gamot na ibinibigay kay Navarro at patuloy na binabantayan ang kanyang kalagayan.
Matatandaang nabugbog si Navarro sa isang condominium sa The Fort, Taguig City, Miyerkules ng gabi.
Kinumpirma ito ng kanyang manager na si Direk Chito Roño at sinabing inimbitahan si Navarro sa condo ng isang kaibigang babae.
The post Vhong Navarro, kinikikilan ng P1 milyon appeared first on Remate.