BINISITA ng ilang Obispo si dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Representative Gloria Macapagal-Arroyo sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) sa Quezon City, kaninang umaga, Enero 26.
Sinabi ni Atty. Raul Lambino, chief of staff ni CGMA, kabilang sa mga lider ng Simbahan na dumating para magmisa ay sina Nueva Caceres, Naga Archbishop Rolando Tirona, Tandag Archbishop Nerio Odchimar, Quezon Bishop Emilio Marquez, retired Tuguegarao Archbishop Diosdado Talamayan at Nueva Vizcaya Bishop Ramon Villena.
Sa homily, sinabi ng mga Obispo na bumisita sila para hikayatin at tulungan ang dating Pangulo na patatagin pa ang pananampalataya sa Diyos para lumabas ang katotohanan at makamit ang hustisya.
Nais din anila nilang ipakita ang tibay ng pakikipagkaibigan at pagmamahal kay CGMA na ngayon ay dumaranas ng karamdaman at pag-uusig.
Bumisita na rin sa dating Pangulo kamakailan sina dating Pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada, dating Lingayen Dagupan Archbishop Oscar Cruz at dating unang ginang at kasalukuyang Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos.
Ani Lambino, marami pang personalidad na gustong bumisita kay CGMA.
Samantala, sinabi rin ng abogado na lumulubha ang kondisyon ng dating Pangulo sa ospital.
Sa pagharap sa media ni Lambino, sinabi nitong kailangan ni CGMA ng mas mahabang oras para makapagpa-araw batay na rin sa rekomendasyon ng mga doktor.
Naki-usap na rin ito sa pulisya na payagan si CGMA na makalabas-labas ng kwarto sa ospital sa mas mahabang oras para sa mas mabilis na paggaling.
The post CGMA, sinilip ng 5 Obispo sa VMMC appeared first on Remate.