DAHIL sa patuloy na taglamig naapektuhan na rin ang presyo ng isda makaraang tumaas ang halaga nito sa mga pamilihan sa Metro Manila.
Batay sa pamunuan ng Department of Trade and Industry (DTI), asahan na ng publiko partikular na ang mga mamimili na tataas ang presyo ng isda lalo na kapag malamig ang panahon dahil kakaunti lamang ang mga nahuhuli ng mga mangingisda dahil karaniwang nagtatago ang mga ito at mahirap hulihin.
Sa kabila nito, tiniyak naman ng DTI na mahigpit nilang binabantayan ang mga pamilihan upang masigurong rasonable at makatwiran pa rin ang gagawin nilang pagtaas ng presyo sa mga panindang isda.
Sa isinagawang price monitoring ng DTI sa mga pamilihan, lumalabas na tumaas ng mula P10 hangggang P40 kada kilo ng mga isda.
Ang isdang galunggong na dating P100 ang kilo ay umabot na ngayon sa P140 kada kilo; Tulingan mula sa P110 kada kilo ngayon ay P150 na; Alumahan na dating P180 kada kilo naging P220 na; Dalagang bukid na dating P150 ang kilo naging P180 at ang Tanigue na dating P280 kada kilo ngayon ay P320.
Maging ang Bangus na dating P120 ang kilo ay naging P135 na at ang Tilapia na dating P85 ngayon ay P90 na ang kilo.
Inaasahan namang manunumbalik sa normal ang presyo ng isda sa oras na magbago na ang panahon.
The post Presyo ng isda tumaas dahil sa lamig ng panahon appeared first on Remate.