PINALAGAN ng Malakanyang ang naging patutsada ni Senador Ramon “Bong” Revilla, Jr. sa kanyang privilege speech sa Senado kanina laban kay Pangulong Benigno Aquino III.
Sinabi ni Presidential Communications Operations Office (PCCO) Sec. Herminio “Sonny” na nagkita nga sina Pangulong Aquino at Senador Bong sa Bahay Pangarap para lamang iberipika ang ulat na dumanas ng matinding presyur ang mambabatas mula sa “interest groups” para impluwensiyahan ang magiging resulta ng impeachment trial laban kay dating SC Chief Justice Renato Corona.
Tinuran aniya sa kanya ng Chief Executive na sinabihan lamang ng huli ang senador na magdesisyon ito batay sa merito ng impeachment complaint laban kay Corona.
“The senator said that he will do what is right and he voted to convict then Chief Justice Corona,” ani Sec. Coloma.
Sa kabilang dako, hindi rin nagustuhan aniya ng Pangulong Aquino ang mga naging paratang ni Senator Revilla sa kanyang kapatid na si Maria Elena Aquino-Cruz, at sa asawa nitong si Eldon, sa kabila ng nilinis na ng Czech ambassador ang pangalan ng mga ito na sangkot sa MRT project kung saan interesado ang Czech firm.
“The main issue here is the proper use of public funds for which Senator Revilla is accountable. It is his duty to start explaining to our people how his PDAF allocation was actually spent,” diing pahayag ng opisyal.
Naiintindihan naman ni Sec. Roxas kung bakit galit si Sen. Bong Revilla sa mundo.
Mahirap aniya ang sitwasyon nito na may testigo at COA documents na magpapatunay ng koneksyon ng senador sa Napoles scam.
Pinatutsadahan nito ang senador na hindi solusyon sa problema niya ang paglilihis ng isyu, pagbaluktot sa katotohanan at panloloko ng tao.
“Sagutin na lamang niya ang mga sinabi ng mga testigo laban sa kanya at ipaliwanag na lamang niya ang mga dokumentong nag-uugnay sa kanya sa Napoles scam,” ang hamon ni Sec. Roxas.
Sa isyu naman aniya ng pagpupulong nila ni Pangulong P-Noy ay sinabi nito na natural sa Pangulo na humarap sa matataas na opisyal ng bayan.
Binanggit nito na dati silang magkasama ni Senator Bong sa Senado kaya nang iparating aniya ni Senador Revilla na mayroon itong gustong i-take-up kay Pangulong Aquino kasama ang Cityhood ng Bacoor at ang kanyang pagiging Pangulo ng Partido Lakas ay gumawa siya ng paraan para magkausap sila.
Noong oras na iyon aniya ay wala sa Malakanyang at nasa Bahay pangarap ang Pangulong Aquino.
Inamin niya na siya ang nagmaneho ng sasakyan para matugunan ang reglamento ng PSG at hindi na maaberya si Senator Bong papunta sa Bahay Pangarap.
SINUNGALING!
Ito naman ang deskripsyon niya kay Senador Revilla tungkol sa isyu ng plaka na sinabi ng mambabatas na tinanggal niya ang plaka ng sasakyan bago sila pumunta sa Bahay Pangarap.
“Hindi talaga ako gumagamit ng official plate. Hindi ito nakakabit sa sasakyan ko. Ang ginagamit ko ay ang regular na plaka na iniisyu ng LTO. Kahit na sino ang nakakakilala sa akin nang matagal, hindi ako gumamit nang otso na plaka noong kongresman, siyete noong senador at sais ng Cabinet Secretary. Hindi ko nakaugalian na ikabit ito sa aking sasakyan,” pahayag ni Sec. Roxas.
The post Pasabog ni Sen. Revilla pinalagan ng Malakanyang appeared first on Remate.