NAKITA ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na may ‘sulfur upwelling’ sa lawa ng Taal sa kalawakang bahagi ng barangay Tumaway at Buco ng Talisay, na may sakop na 200 metro kwadrado.
Batay ito sa pagmamatyag ng kalidad ng tubig na isinagawa ng BFAR,IFRS Fish Heath team nitong Enero 30, 2013.
Napansin din ng grupo at ng mga residente sa lugar ang kakaibang kulay ng tubig at ang matapang na amoy ng asupre.
Ayon sa Esmeralda Pas Manalang, regional director ng BFAR 4-A, ang paglutang ng asupre ay posibleng tumagal ng isang linggo. Aniya, kalimitang nangyayari ito sa panahon ng taglamig na buwan ng Disyembre hanggang Pebrero.
Pinayuhan ni Manalang ang mga local government units na nakapalibot sa lawa ng Taal na abisohan ang mga fish cage operators at mangingisda at patuloy na magmatyag sa kanilang lugar.
“Kung maaari ay anihin na ang kanilang malalaking isda upang maibenta sa palengke at pamilihan,” ayon sa patalastas ng BFAR.