MISMONG ang kalaban sa pagka-mayor sa May midterm elections ang nasa likod ng pamamaslang kay Maconacon, Isabela Mayor Erlinda Domingo noong Enero 22.
Sinabi ni Isabela Governor Faustino “Bojie” Dy, ito batay sa natanggap nilang impormasyon mula kay Ryan Santiago, 51-anyos, ang huling sumukong suspek.
Ayon kay Santiago, si Walter Villanueva, ang makakalaban ng lady mayor sa pagka-mayor ng Maconacon ang nagpa-ambush sa huli.
“‘Yan din po ang natanggap po natin, ‘yung mga nauna pong mga report na lumabas na… ‘yung pumaslang po kay Mayor Domingo ang tinutukoy nga po ng imbestigasyon ay tinuturo po ‘yung kanyang kalaban sa pulitika sa darating na halalan, subalit patuloy pa rin po na nag-iimbestiga ng ating kapulisan kasama ang Quezon City Police para sa gayon ay maresolba itong kaso.”
Sa ngayon, hindi pa nila mahagilap si Villanueva para hingan ng kanyang panig pero mas mainam kung lalantad ito upang ipagtanggol ang kanyang sarili.
“Hindi po malaman kung nasan ang kinaroroonan ng kanyang kalaban sa pulitika, subalit ang atin naman pong kapulisan ay tuloy-tuloy na tinitingnan kung ano pa rin po ang ibang anggulo sa krimen,” dagdag pa ni Dy.
Naghahanap pa ngayon ang pulisya ng mga karagdagang ebidensya para mapagtibay ang ibinunyag ni Santiago na si Villanueva ang utak sa pagpatay kay Domingo.
Samantala, nabanggit naman ni Dy na sa ngayon ay tanging ang anak na nurse ni Mayor Domingo ang opsyon ng pamilya para humalili rito sa eleksyon.