MATAPOS ang tatlong oras na negosasyon, nakuwelyuhan na ng pulisya kaninang hapon ang retiradong US Navy na nang-hostage sa kahera ng Paradise Apartelle sa Tomas Morato sa Quezon City.
Bagama’t hindi na-idetalye pa ng Quezon City Police District (QCPD) kung paano nila nadakip ang suspect na si Robert Mark Stasastis, 57-anyos, naligtas naman sa kapahamakan ang hinostage na si Alma Cordero, kahera ng Paradise Apartelle sa may Timog Avenue sa Barangay South Triangle, Q.C.
Ayon sa QCPD, dakong alas-4:45 nang mapasakamay ng mga miyembro ng SWAT team ang suspect na nabatid na overstaying na sa bansa at nakatakdang umalis ng bansa sa Enero 14.
Bago ito, lasing na dumating ang suspect sa nasabing apartelle at bigla na lamang tinutukan ng patalim ang nasabing kahera.
Nabatid na may problema sa pag-ibig ang suspect dahil nakipaghiwalay na sa hindi malamang dahilan ang kanyang Pinay na nobya.
Sa katunayan, may ibinigay pang sulat ang suspect sa pulisya na may pangalan ng kanyang nobya na nais niyang makausap para sila ay magkaayos muli.
Nagbanta pa si Stasastis na kapag hindi siya napagbigyan sa kanyang kahilingan ay magpapakamatay ito.
Nakikipag-ugnayan na ngayon ang QCPD sa US Embassy para ayusin ang gusot na pinasok ng kanilang kababayan.
The post QC apartelle hostage taker, nakuwelyuhan na appeared first on Remate.