NANINIWALA si Father Anton Pascual, na ang debosyon ng mga tao sa Itim na Poong Nazareno ay nagpapakita ng pananampalataya ng mga tao sa Panginoon, sa harap ng kahirapan at mga problema.
Ayon kay Pascual, na siya ring chairman ng Caritas Manila, social arm ng Archdiocese of Manila, kahit pa maraming taong nasaktan sa prusisyon ay ipinakita pa rin ng mga namamanata ang kanilang pananampalataya sa Diyos.
Naniniwala rin si Pascual na kaya lumalapit ang mga tao sa Panginoon ay para sa kanilang kaligtasan at pag-asa na malalampasan ang mga problema at kalamidad sa buhay.
Samantala, sinabi naman ni Fr. Conegundo Garganta, executive secretary ng Episcopal Commission on Youth (ECY) ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), isang malaking hamon sa Simbahang Katoliko ang mahikayat ang mga kabataan na isapuso at isabuhay ang tunay na debosyon sa Mahal na Poong Hesus Nazareno.
Umaasa naman si Garganta na nawa’y matulungan ng Simbahan ang kabataan na yakapin ang popular devotion na may kaakibat na paghuhubog.
Nilinaw rin naman ni Garganta na bukod sa simbahan ay malaki rin ang gampanin ng mga nakatatanda para mapalalim pa ang debosyon ng mga kabataan.
Ayon kay Garganta, sila ang modelo na dapat magbigay ng tamang direksyon sa mga kabataan.
Aminado naman ang pari na malakas ang hatak ng “Popular devotion” sa mga kabataan para lumahok sa Pista ng Black Nazarene.
May elemento rin aniya ng barkada sa panig ng mga kabataan subalit tumutubo rito ang pananampalataya kaya’t naiibigan na nilang makilahok sa gawain.
Hinimok din naman ni Garganta ang mga konseho na nangangalaga sa mga Replica ng Black Nazarene na magbigay ng katesismo o formation upang maramdaman ng mga kabataan ang spiritual na karanasan kung bakit sila kabahagi ng traslacion.
The post Debosyon ng mga deboto sa Itim na Nazareno, tunay na pananampalataya appeared first on Remate.