KAPIT-TUKO pa rin si DPWH Sec. Rogelio Singson sa puwesto hangga’t nananatili ang kumpiyansa at tiwala sa kanya ni Pangulong Benigno Aquino III.
Ani Presidential Communications Operations Office head Herminio Coloma Jr., buo pa rin ang tiwala at kumpiyansa ng Pangulong Aquino kay Sec. Singson hangga’t hindi napapatunayan ng Criminal Investigation at Detection Group ng Philippine National Police (PNP) ang alegasyon na ito ni Presidential Assistant for Rehabilitation and Recovery Panfilo Lacson.
Isinambulat ni Sec. Lacson na may nangyari ngang overpricing sa pagtatayo ng bunkhouses sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Yolanda.
“At hanggang ngayon naman po, sa aking pagkakaaalam, ay buo po ang tiwala at kumpiyansa ng ating Pangulo kay Secretary Singson,” ayon kay Sec. Coloma.
Nito lamang Lunes, Enero 6 ay nagpahayag si Singson na magbibitiw siya sa kanyang puwesto kapag napatunayan na nagkaroon ng overpricing sa pagtatayo ng temporary shelters para sa mga biktima ng nasabing bagyo.
Sa kabila ng pinabulaanan nito ang ulat na may overpricing ay inamin naman nito na posibleng magkaroon ng depekto sa ilang specifications na hindi sinunod o nasunod ng mga kontratisa.
Sinabi pa ni Sec. Coloma na malinaw naman na naipaliwanag ni Sinsgon ang kanyang panig at handa ang nasabing departamento na ayusin ang anumang depektong madidiskubre sa itinayong bunkhouses.
Samantala, kasalukuyan nang tinatrabaho ng National Housing Authority (NHA) ang permanent shelters kung saan lilipat ang mga Yolanda survivors matapos lumipat sa bunkhouses.
The post Sec. Singson hindi magbibitiw appeared first on Remate.