TINIYAK ng Malakanyang na patuloy na makakatanggap ng tulong ang mga nabiktima ng bagyong Yolanda kahit pa magtapos ang pamamahagi ng relief goods sa Marso.
Sinabi ni Deputy presidential spokesperson Abigail Valte na kasalukuyan nang tinitimbang ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang sitwasyon at pagkatapos ay agad silang magpapalabas ng kaukulang tulong sa mga ito.
“Tinitingnan ng DSWD ang sitwasyon ng pamilya. Patuloy ang assistance na binibigay lalo kung talagang kinakailangan ito,” ayon kay Usec. Valte.
Binigyang diin nito na handa ang pamahalaan na palawigin ang shelter assistance sa mga apektadong pamilya.
Tinukoy ng opisyal na in-extend ng pamahalaan ang tulong nito sa pamilya ng Zamboanga City na napaalis sa kanilang mga tahanan ng pumutok ang bakbakan sa pagitan ng puwersa ng pamahalaan at mga tagasunod ni Moro National Liberation Front founding chairman Nur Misuari noong nakaraang buwan ng Setyembrte ng nakaraang taon.
Tinuran ni Usec. Valte na magtatapos ang pamamahagi ng DSWD ng kanilang relief packs kabilang na ang bigas at canned goods sa Marso 31.
The post Tulong sa Yolanda survivors tiniyak na tuloy-tuloy appeared first on Remate.