MATAPOS ipagbawal ang pagbili ng martilyo at maging ang pagsuot ng sumbrero, inirekomenda na rin ng Philippine National Police (PNP) ang pagbabawal sa pagsusuot ng sunglasses o shades sa loob ng shopping malls.
Sinabi ni PNP Spokesperson Reuben Sindac na ito’y batay sa panukala ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
Bukod pa rito, layunin nito na madaling makilala at makunan ng closed circuit television (CCTV) ang mga namamasyal sa malls.
Dagdag ng tagapagsalita, “Ito’y isang panandaliang solusyon habang ‘yung iba nating gusto ng security measures ay uubos din ng panahon… bago pumasok ang Pasko ay makagawa man lang tayo ng immediate security measure.”
Paglilinaw naman ni Sindac, desisyon pa rin ng pamunuan ng malls kung ipatutupad ang kanilang rekomendasyon at uutusan ang kanilang mga sekyu na ipatanggal sa mall goers ang kanilang shades.
Matatandaang hinigpitan ng awtoridad ang pagbili ng martilyo sa malls kasunod ng pag-atake ng Martilyo Gang sa SM City North Edsa.
Sunod nito, hinimok na rin ng PNP ang mall goers na huwag magsumbrero habang nasa malls para masipat ang mga kahina-hinalang kilos.
The post Pagsusuot ng shades sa malls, bawal na rin appeared first on Remate.