INIULAT ng Department of Health (DOH) na naitala na nila ang kauna-unahang fireworks-related injury ngayong taon kaugnay nang pagdiriwang ng nalalapit na Pasko at pagsalubong sa Taong 2014.
Ito’y 24-oras matapos simulan ng DOH ang monitoring sa mga taong mabibiktima ng paputok, sa ilalim ng kanilang Aksyon: Paputok Injury Reduction (APIR) program.
Batay sa APIR Iwas Paputok Report No. 1, mula 6:00 ng umaga ng Disyembre 21 hanggang 6:00 ng umaga ng Disyembre 22 ay isang fireworks-related injury pa lang ang kanilang naitala.
Ayon sa National Epidemiology Center ng DOH, ang 9-taong gulang na batang lalaking biktima ay nasabugan sa kanang hinlalaki at hintuturo matapos magpapaputok ng piccolo.
Agad naman umano itong naisugod sa Tondo Medical Center sa Maynila at agad ring na-discharged matapos mabigyan ng antibiotic at anti-tetanus injections.
Mas mababa ang naturang bilang ng 86 percent kumpara sa anim na kaso na naitala sa kaparehong petsa noong nakaraang taon.
Wala pa namang naiulat na kaso ng firecracker ingestion o pagkalulon ng paputok at mga biktima ng ligaw na bala.
Sa pagsalubong noong 2012 ay nasa 1,021 kaso ng fireworks related injuries ang naitala habang 931 injuries naman sa pagsalubong sa 2013.
Kaugnay nito, umaasa si Health Secretary Enrique Ona na patuloy pang bababa ang bilang ng mga biktima ng paputok kada taon.
Patuloy rin ang panawagan nito sa publiko na iwasan na lamang ang magpaputok upang hindi mabiktima nito.
The post Kauna-unahang fireworks-related injury naitala na appeared first on Remate.