ANG pagdiriwang ng Pasko ngayong taon ay dapat maging Pasko ng pagkakaisa at komunyon.
Ito ang iginiit kahapon ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle kasunod ng sunod-sunod na mga kalamidad na dinanas ng mga Pinoy kamakailan.
Sa kanyang Christmas message, sinabi ni Tagle na mahirap isipin kung paano magdiriwang ng Pasko ang survivors ng Zamboanga crisis, lindol sa Bohol at super typhoon Yolanda, gayong marami sa kanila ang nawalan ng mahal sa buhay at mga ari-arian na magpapaalala sa kanila ng Pasko.
“With persons and things associated with Christmas either destroyed or gone, what would Christmas be?” bahagi pa ng mensahe ng Cardinal.
Ani Tagle, isang babaeng survivor mula sa Palo, Leyte ang sumagot sa kanyang katanungan at nagsabing sa rami ng mga nasira at nasawi sa paligid ay ito aniya ang kauna-unahang pagkakataon na naunawaan niya at ipagdiriwang ang tunay na diwa ng Pasko.
Sinabi ng Cardinal na bagama’t misteryoso ang sagot, ang marinig ang ganitong mga salita mula sa labi ng isang survivor ay may lamang katotohanan at kaalaman.
Dagdag pa ng Cardinal, ang punto ng survivor ay ang mismong senyales ng Pasko na si Hesus, ang mapagpakumbabang sanggol sa sabsaban, na tunay na anak ng Diyos at Panginoon nating lahat.
Iginiit pa ni Tagle na ang lahat ng dekorasyon para sa Pasko na inilalagay sa mga tahanan ay nag-ugat sa tunay na kahulugan nito na si Hesus, na siyang “core Sign, the humble person of the Son of God who emptied himself to become one of us.”
“Divine glory is seen in a child’s weakness; heavenly radiance is made manifest in humility; and God’s justice is revealed as compassion,” dagdag pa ni Tagle.
Kasabay ng panawagan sa mga mananampalataya na huwag kalimutan si Hesus sa pagdiriwang ng Pasko, hinimok din nito ang lahat na magbago sa senyales ng kanyang pagdating.
Aniya pa, ang pagkakaisa at komunyon kasama ang mga nagdurusa dahil sa trahedya ay mangyayari lamang kung magsasagawa ang mga ito ng soul-searching, pagre-review ng values, reordering ng prayoridad at commitment sa Panginoon, kapitbahay, bansa at mga nilikha.
Tinapos pa ng Cardinal ang kanyang mensahe sa pamamagitan ng panalangin na magkaroon ng mapagpalang Pasko ang lahat, lalo na ang mga Pinoy na nagsusumikap na maiahong muli ang kanyang buhay at malayo sa kanilang mga tahanan.
The post Pasko ng pagkakaisa at komunyon – Tagle appeared first on Remate.