DAKIP ang dalawang lalaki matapos mahulihan ng baril at dalawang motorsiklong walang papeles matapos magsagawa ng Oplan Galugad sa lugar at kalapit na barangay ng namatay na batang babae na tinamaan ng ligaw na bala nitong nakalipas na Bagong Taon sa Caloocan City, Biyernes ng hapon, Disyembre 20.
Nakumpiska kay Jeorge Calado, 25 ng TM Calaw St., Camarin ang .9mm na baril na may tatak na Philippine National Police habang patalim naman at dalawang motorsiklo na walang papeles ang nakuha kay Roderick Macay, 42 ng Barracks, Tala ng lungsod.
Sa ulat, alas-2 ng hapon nang magsagawa ng Oplan Bakal ang mga pulis sa Barangay 185, 186 at 188 Tala ng lungsod kung saan nadakip ang mga suspek.
Nabatid kay Supt. Ferdinand Del Rosario, officer in-charge ng North Caloocan City Police, na ang mga nasabing lugar nakatira at namatay nang tamaan ng ligaw na bala nitong nakalipas na Bagong Taon na si Nicole Ella kung kaya dadalasan nila ang pagsasagawa ng operasyon sa mga nasabing lugar at iba pang Barangay upang masigurong hindi na mauulit ang nangyari at mabawasan na ang mga nag-iingat ng mga baril na walang pahintulot ng batas.
Dinala naman ang dalawang nadakip sa presinto upang maimbestigahan kung sangkot sa mga iligal na gawain.
The post Lugar, kalapit na barangay ng namatay na bata noong kasagsagan ng Bagong Taon, sinuyod ng mga pulis appeared first on Remate.