NADAGDAGAN ang petisyon na humihiling sa Korte Suprema na ipatigil ang malakihang dagdag-singil sa kuryente ng Manila Electric Company (Meralco).
Nakasaad sa 35-pahinang class suit na ipawalang-bisa ang mahigit P4.00 kada kilowatt hour na dagdag-singil sa kuryente ng Meralco.
Kabilang sa mga petitioner ang National Association of Electricity Consumers for Reforms (Nasecore), Federation of Village Associations (Fova), at Federation of Las Piñas Homeowners Association (Folpha).
Hiniling ng petitioners na habang dinirinig ang kaso, dapat magpalabas ng temporary restraining order (TRO) o status quo ante order (SQAO) para pigilan ang Meralco sa pagpapataw ng dagdag-singil.
Ayon sa mga petitioner, nilabag ng Meralco ang karapatan ng mga consumer nito dahil hindi man lang ito nagpaabiso at pagdinig hinggil sa planong dagdag-singil.
Dapat din aniya itong ipinalathala sa mga pangunahing pahayagan sa bansa bilang pabatid.
Isinumite ng Meralco sa ERC ang plano nitong dagdag-singil sa kuryente noong Disyembre 5.
Disyembre 9 naman nang aprubahan ng ERC.
The post Petisyon pa vs power rate hike nadagdagan pa appeared first on Remate.