SISIMULAN na bukas, Disyembre 21 ng Department of Health (DOH) ang monitoring ng mga firecracker-related incident sa bansa, kasunod ng nalalapit na pagdiriwang ng Pasko at pagsalubong ng taong 2014.
Ayon kay Health Secretary Enrique Ona, ito ay bilang bahagi ng Oplan Aksyon: Paputok Injury Reduction (APIR) ng DOH na ang layunin ay mapababa ang bilang ng mga biktima ng paputok tuwing Kapaskuhan lalo na sa pagsalubong ng Taong 2014.
Kaugnay nito, muli ring hinimok ni Ona ang publiko na umiwas sa paggamit ng paputok sa pagdiriwang ng Holiday season upang makaiwas sa aksidente.
Pinayuhan din ng kalihim ang publiko na sa halip na gastusin sa paputok, ay i-donate na lamang ang kanilang salapi para sa Yolanda survivors.
Sinabi rin ni Ona na ang kanilang kampanya laban sa paputok ngayong taon ay sesentro sa mga batang mas madalas mabiktima ng paputok.
Muli ring iginiit ni Ona na mapanganib ang paggamit ng paputok, lahat ng paputok ay bawal sa bata, umiwas sa mga taong nagpapaputok, huwag mamulot ng mga hindi sumabog na paputok at kaagad magpagamot kapag naputukan.
Makakatuwang ng DoH sa kanilang kampanya laban sa paputok ang Philippine National Police (PNP), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Trade and Industry (DTI) at EcoWaste Coalition.
The post Monitoring sa firecracker-related incident sisimulan na appeared first on Remate.