MATATAGALAN pa bago makakuha ng hustisya ang mga konsyumer hinggil sa mataas na singil sa kuryente.
Ito ay matapos bigyan ni Justice Secretary Leila de Lima ang Office for Competition (OFC) ng hanggang Enero para magsumite ng ulat at rekomendasyon hinggil sa sabwatan sa pagitan ng Meralco at ng iba pang power producer.
Ito ay kasunod ng inihaing reklamo ng ilang mambabatas at militanteng grupo sa DoJ matapos ang pag-apruba ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa P4.15 per kilowatt hour na konsumo ng kuryente na ipinamamahagi ng Meralco.
Kaugnay nito, posibleng ipatawag ng OFC sa gagawing imbestigasyon ang mga opisyal ng Department of Energy at ERC para alamin ang kanilang pananaw hinggil sa paratang na cartelization sa industriya ng kuryente.
Bukod sa energy officials, posibleng imbitahan din sa pagsisiyasat ang ilang mga propesyonal para magsilbing mga resource person.
Umaalma ang mga militante at consumer group sa pagtaas ng singil sa kuryente dahil hiind man lang daw ito dumaan sa public hearing o anumang imbestigasyon para sa posibleng pag-abuso bago aprubahan ng ERC.
The post Rekomendasyon sa sabwatan ng Meralco at iba pang power producer hanggang Enero appeared first on Remate.