IPINABUBUSISI na ng Malakanyang sa Bureau of Immigration (BI) kung talagang nasa Guinea, West Africa si Moro National Liberation Front (MNLF) Chairman Nur Misuari para dumalo sa 40th OIC Council of Foreign Ministers session.
Ayon kay Presidential Communications Operations Office (PCOO) Sec. Herminio “Sonny” Coloma, Jr. kailangan nilang malaman kung nakalabas ng bansa si Misuari gayong kanselado na ang pasaporte nito.
Nauna nang kinansela ng DFA ang pasaporte ni Misuari dahil sa kanyang kasong rebelyon.
“Since, that is a violation of the cancellation of the passport, we will look into the circumstances sa paglabas niya sa bansa,” ayon kay Sec. Coloma.
Tatanungin muna ni Sec. Coloma ang kinauukulang ahensiya ng pamahalaan kung dapat nang magpasaklolo sa Interpol para sa ikadarakip ni Misuari.
Sa kabilang dako, tatanungin naman ang BI kung may record nga ito ng pagkakalabas ng bansa ni Misuari.
“As far as I know, noong na-issue ang warrant of arrest na sila rin naman nag-request dahil si Secretary De Lima mismo ang nag-lead doon sa investigation sa Zamboanga ay sisiyasatin kung nagkaroon ba ng failure to detect pero ginagawa ang lahat para matunton ang circumstances na ‘yan,” ani Sec. Coloma.
Wala naman siyang ideya kung maaaring magpalabas ng warrant of arrest laban kay Misuari kahit nasa ibang bansa ito.
“Hindi ko alam dahil ang alam ko ‘yung within the jurisdiction,” aniya pa rin.
Sa ulat, kinumpirma ng tagapagsalita ni Moro National Liberation Front (MNLF) Chairman Nur Misuari na si Emmanuel Fontanilla na nakalabas na ng bansa ang una.
“Nasa OIC (Organization of Islamic Conference) na po ‘yung ating mahal na propesor… Doon na po siya sa Guinea at nakikipag-usap na po.”
Hindi naman sinabi ni Fontanilla kung paano nakalabas ng bansa si Misuari sa kabila ng may warrant of arrest ito sa kasong rebelyon at paglabag sa International Humanitarian Laws na isinampa ng Department of Justice (DOJ) dahil sa pag-atake sa Zamboanga City noong Setyembre.
The post Paglabas ng bansa ni Misuari, ipinabubusisi appeared first on Remate.