DADALO si Pangulong Benigno Aquino III sa ASEAN-Japan Commemorative Summit na idaraos sa Disyembre 12 hanggang 14 sa Tokyo, Japan dahil maayos na ang kondisyon ng Tacloban City at iba pang lugar na sinalanta ng bagyong Yolanda.
Sa press briefing ni Foreign Affairs Assistant Secretary Spokesperson Raul Hernandez sa New Executive Building (NEB), Malakanyang ay sinabi nito na malaki ang magiging partisipasyon ni Pangulong Benigno Aquino III sa 40th ASEAN-Japan Commemorative Summit.
Habang ang Pangulong Aquino aniya at delegado ay darating sa Tokyo sa Disyembre 12 ay may sasalubong agad dito na ilang bilateral Philippine-Japan events at meetings, aktibidades na may kinalaman sa ASEAN-Japan Commemorative Summit na ang aktuwal na iskedyul ay sa Disyembre 13 at 14.
Sa Biyernes, Disyembre 13, ang Pangulo at ang iba pang ASEAN leaders kasama ang kani-kanilang mga asawa ay dadalo sa isang afternoon tea ceremony na iho-host ng kanilang Majesties, Emperor Akihito at Empress Michiko.
Hindi ito isang traditional Japanese tea ceremony, dahil ito ay katulad ng isang “meet-and-greet high tea” na tatagal ng 30 minuto.
At sa gabi naman ay magho-host ng isang dinner sina Prime Minister Shinzo Abe at Madame Akie Abe para sa ASEAN Leaders at sa mga kabiyak nito.
At pagsapit naman ng Sabado, Disyembre 14, aktuwal na araw ng Commemorative Summit-Session 1 na idaraos sa umaga ay itutuon sa mahahalagang usapin sa pagitan ng mga lider ng ASEAN at Japan.
Susundan naman agad ito ng tanghalian na iho-host ng Nippon Keidanren (Japanese Business Federation).
Sa kabilang dako, mayroon aniyang dalawang outcome documents mula sa Summit: at ito ay ang Vision Statement of ASEAN-Japan Friendship and Cooperation and its Implementation Plan; at Joint Statement of the ASEAN-Japan Summit.
Sa pulong aniya ay tatalakayin ng dalawang lider ang ugnayan ng disaster management at reconstruction sa isyu ng Typhoon Yolanda, economic concerns, maritime cooperation, people-to-people exchanges at ang Mindanao peace process.
Magpapalitan ng kani-kanilang mga opinyon at pananaw ang dalawang lider hinggil sa umiiral na regional issues ng dalawang bansa.
The post PNoy, dadalo sa ASEAN-Japan Commemorative Summit appeared first on Remate.