IPINAG-UTOS ni Justice Secretary Leila de Lima sa National Bureau of Investigation (NBI) ang pagsibak sa isang liaison officer ng ahensya sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Ang kautusan ni De Lima laban kay Napoleon Morenio Magno ay dahil sa pagiging fixer nito.
Nabatid na pinapawalang bisa ni De Lima kay NBI officer-in-charge Medardo de Lemos ang awtoridad na ibinigay sa kanya ng ahensya.
Si Magno ay inireklamo na tumanggap o naningil ng P75,000 hanggang P100,000 sa mga Filipino-Chinese para maproseso ang kanilang pasaporte sa courtesy lane na inilaan para sa mga empleyado at kanilang kaanak bukod pa sa hindi na kailangan pang sumalang sa interview.
Habang ang singil naman nito sa mga Pinoy ay umaabot sa halagang P20,000.
Samantala, para matiyak na walang makalulusot na human traffickers na maaaring magsamantala sa mga residente na sinalanta ng super typhoon Yolanda ay hinigpitan na ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang pagbabantay sa mga entry at exit point sa Visayas area.
Ani De Lima, chairperson ng IACAT, mahigpit nilang babantayan ang entry at exit point sa evacuations at processing center para sa Yolanda survivors.
Ayon pa kay De Lima, nakipag-ugnayan na rin ang IACAT Task Force sa ilang ahensya gaya ng Philippine Ports Authority, Bureau of Immigration at Philippine Air Force (PAF) gayundin sa mga lokal na pamahalaan, mga civil society organization at international humanitarian organization upang matiyak ang seguridad at dignidad ng mga biktima ng bagyo.
Ang IACAT ay binubuo ng mga kinatawan mula sa DSWD, DOLE, POEA, PNP, NBI, Council for the Welfare of Children at Commission on Filipino Overseas.
The post NBI liaison officer sa DFA ipinasisibak ni De Lima appeared first on Remate.