ACT of desperation!
Ganito kung isalarawan ng Malakanyang ang pag-atake ng 40 miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Marawi police station at pag- hostage kay Police Superintendent Christopher Panapan.
“We view these attempts to disrupt the peace process as acts of desperation and we are determined to stop these acts,” ayon kay Presidential Communication Operations Office (PCOO) Sec. Herminio “Sonny” Coloma Jr.
Kinastigo ng Malakanyang ang nasabing pag-atake at tiniyak ni Sec. Coloma na mananagot sa batas ang responsable rito.
Nauna rito, sinabi ng opisyal na buong-buo ang determinasyon ng pamahalaan na ipagpatuloy at kompletuhin ang proseso na pangkapayapaan hinggil sa Bangsamoro.
Kaya nga ikinagagalak ng gobyerno ang malaking progreso na natamo na ukol dito.
“Katulad po ng ating chief negotiator, si Professor Miriam Coronel-Ferrer, umaasa po tayo na matatapos po itong proseso sa lalong madaling panahon,” aniya pa rin.
Sinabi pa ni Sec. Coloma na may malaking batayan na posibleng ginugulo ng MILF ang peace talks ukol sa Bangsamoro Framework.
“Iyon pong sinabi niyang obserbasyon ay meron naman pong batayan dahil hindi naman ito iyong unang pagkakataon na nakakita tayo ng mga disruptive actions by those apparently opposed to the peace process. So these are the enemies of peace and the government is determined to use all its power to stop them from disrupting the peace process. Ang atin pong Sandatahang Lakas ay handang gawin ang nararapat; ginagawa po ng ating Sandatahang Lakas ang nararapat para pigilin po sila at hindi po natin sila papayagang magtagumpay,” ang pahayag ni Sec. Coloma.
Wala namang nakikitang dahilan ang Malakanyang para paigtingin pa ang pagkilos ng PNP dahil ginagawa naman nila ang trabaho partikular na ang intelligence gathering.
Bukod dito ay ginagawa rin aniya ng Sandatahang Lakas na pangalagaan ang kaligtasan at kaayusan ng komunidad.
The post Pag-atake ng MILF sa Marawi City, act of desperation appeared first on Remate.