DAHIL sa inaasahang lalong pagbigat ng trapiko ngayong panahon ng Kapaskuhan, ipatutupad na rin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang “daytime ban” sa lahat ng uri ng truck sa mga pangunahing lansangan sa Kamaynilaan.
Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, magsisimula ang “daytime ban” sa mga truck sa Disyembre 13 hanggang 20 kung saan mahigpit itong ipatutupad mula alas-6 ng umaga hanggang alas-10 ng gabi kada araw.
Ipinaliwanag naman ni Tolentino na hindi kasama sa nabatid na ban ang mga truck na bumibiyahe mula South Luzon Expressway (SLEX), dadaan sa South Superhighway patungo sa Pier at pabalik; at mula North Luzon Expressway, dadaan sa A. Bonifacio Avenue tungo sa Pier at pabalik.
Epektibo sa naturang mga ruta ang umiiral na truck ban windows mula alas-6 hanggang alas-10 ng umaga at alas-5 hanggang alas-10 ng gabi.
Samantala, ipatutupad lamang ang “total day truck ban” sa lugar ng Marcos Highway, Aurora Boulevard, Katipunan, Commonwealth, C5, Quezon Boulevard, at iba pa, habang patuloy na pinapairal ang 24 hrs truck ban sa kahabaan ng EDSA mula Magallanes hanggang North Avenue.
Ayon pa kay Tolentino, nagbigay na sila ng abiso sa mga asosasyon ng truckers na sumang-ayon naman sa naturang plano.
The post ‘Daytime ban’ sa mga trak ipatutupad ng MMDA appeared first on Remate.