PINABULAANAN ng ama ng kidnap victim sa Ateneo de Manila na isang kaso lamang ng “kidnap me” ang naganap na pagdukot sa kanyang anak at kinumpirmang dinukot ng apat na kalalakihan ang kanyang anak.
Ito ang kinumpirma ni Brian Mata matapos maglabasan ang ulat na isang kaso lamang ng kidnap me ang naganap sa kanyang anak na babae na graduating student sa naturang unibersidad.
Sa isang panayam kay Mata, sinabi nito na mali ang ulat na kaso ng ‘kidnap me’ ang naganap sa kanyang anak.
Ginawa ni Mata ang pahayag matapos sabihin ng Quezon City Police District na isang kaso lamang ng ‘kidnap me’ ang naganap na insidente ng pagdukot sa kanyang anak.
Sinabi pa ni Mata na nagtungo sa Ateneo de Manila campus ang kanyang 20-anyos na anak na babae nitong nakalipas na Nobyembre 21, 2013, alas-6 ng hapon para i-submit ang kanyang report sa klase na agad ding bumalik sa kanyang sasakyan sa parking area ng unibersidad.
Kapapasok pa lamang sa kotse ng biktima nang sundan ng apat na kalalakihan saka dinukot at dinala sa Concepcion, Marikina at saka pinaikot-ikot ang biktima sakay ng kanyang sasakyan.
Sinabi pa ng ama ng kidnap victim na isa sa mga suspek ay tumawag pa sa kanya at humihingi ng P250,000 para sa ikalalaya ng kanyang anak at sinabi nito sa mga suspek na maghahanap siya ng ganung pera.
Nabatid pa sa ulat na habang hinihintay ng mga suspek ang tawag ng ama ng biktima, kinuha ng mga suspek ang mga gamit ng biktima gaya ng cellphone, portable wifi, pera na nagkakahalaga ng P2,000, at iba pang mamahaling gamit ng biktima.
Ibinababa ang biktima sa isang gasoline station sa Pasig City kasamang iniwan ang sasakyan nito ng araw rin na ‘yon.
The post UPDATE: Kaso ng ‘kidnap me’ sa Ateneo student pinabulaanan ng ama ng biktima appeared first on Remate.