MASUWERTENG nakaligtas sa tiyak na kamatayan ang isang tricycle driver na umaaktong “police informer” makaraang tangkaing paslangin ng mga miyembro ng sindikato ng iligal na droga kahapon sa Parañaque City.
Patay na sana ang biktimang si Eliseo Calimlim, 30, ng Area CJ Sanchez, Airport Village, Purok Uno, Barangay Moonwalk kung hindi niya natabig ang kamay ng suspek nang iputok ang hawak na kalibre .45 na nakatutok na sa kanyang ulo kaya tumama ang bala sa kaliwa niyang hita.
Nakapagresponde naman kaagad ang mga tauhan ng Moonwalk Police Community Precinct kaya nagpasyang tumakas na lang ang suspek na sumakay sa isang naghihintay na motorsiklong minamaneho ng kanyang kasama.
Isinugod naman ng pulisya ang biktima sa Dr. Florrencio Bernabe, Sr. Memorial Hospital kung saan siya ginagamot ngayon.
Sa imbestigasyon, nangyari ang tangkang pamamaslang alas-12:45 ng hapon sa kanto ng Doña Soledad at Balaraw St., sa Barangay Moonwalk, habang naghihintay ng masasakyan ang biktima.
Nakilala naman ng biktima ang mga suspek sa mga alyas na “Toto” at “Boy” na pawang mga tauhan ng isang Jovan Wagas na kilalang miyembro ng sindikato ng iligal na droga na may sentro ng operasyon sa Parañaque City at karatig lungsod.
Ayon sa pulisya, posibleng nais nang patahimikin ng sindikato ang biktima dahil marami nang drug pushers na nainguso sa pulisya na labis na nakaapekto sa operasyon ng iligal na droga sa lungsod.
The post Police informer nakaligtas sa pamamaslang appeared first on Remate.