PAGPAPAKITA lamang ng desperasyon ang planong impeachment laban sa mga mahistrado ng Korte Suprema.
Ito ang sinabi ni Navotas Rep. at UNA Secretary-General Toby Tiangco matapos magbabala si Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali ng impeachment laban sa mga mahistrado dahil sa flip-flopping decision at hindi paggalang sa lehislatura na co-equal branch ng pamahalaan.
Binigyang diin ni Tiangco na maituturing na pangba-blackmail ito para pumabor ang mga mahistrado sa Disbursement Acceleration Program (DAP ) na dedesisyunan pa lamang ng Supreme Court.
Malinaw ayon sa kongresista na ito ay panggigipit sa hudikatura upang pumabor ito sa administrasyong Aquino.
Ngayon pa lamang ay nangangamba na ayon kay Tiangco ang Liberal Party na ideklarang unconstitutional ng Korte Suprema ang DAP tulad ng nangyari sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel.
Nagtitiwala si Tiangco na hindi hahayaan ng SC na ma-blackmail para abandonahin ang kanilang posisyon sa DAP na inaasahang dedesisyunan sa susunod na linggo.
The post Bantang impeachment sa SC Justices blackmail lang appeared first on Remate.