IPINAUUBAYA pa rin ni Customs Commissioner Ruffy Biazon kay Pangulong Benigno Aquino III ang desisyon kung mananatili pa sa puwesto, sa gitna nang kanyang pagkakadawit sa multi-billion peso pork barrel fund scandal.
Sa gitna nang panawagan ng ilang sektor para sa kanyang pagbibitiw, sinabi ng opisyal na sasagutin lamang niya ito kapag nakausap na ang Pangulong Aquino.
Si Biazon na kilalang kaalyado ng administrasyon ay inakusahan na ibinulsa ang nasa P1.95 million na kickbacks mula sa pork barrel funds na idinaan sa bogus na NGOs ni Janet Lim-Napoles.
Una nang inihayag ni Presidential Communications Operations Office Sec. Sonny Coloma, na walang legal na batayan para obligahin si Biazon na mag-leave sa kanyang trabaho habang nakabinbin ang kaso sa korte.
Maliban kay Biazon, kabilang din sa sinampahan ng kaso ay sina dating Congressman Salacnib Baterina ng 1st District Ilocos Sur, Douglas Cagas ng 1st District Davao del Sur, anak na si Marc Douglas Cagas IV ng 1st District Davao del Sur, Rodolfo Valencia ng 1st District Oriental Mindoro, Arthur Pingoy Jr. ng 2nd District South Cotabato, at Arrel R. Olano ng 1st District Davao del Norte.
The post Pagbitiw ni Biazon, nakasalalay kay PNoy appeared first on Remate.