IPINAGMALAKI ng mga Pinoy si Manny Pacquiao matapos manaig kay Brandon Rios noong Linggo.
Sa larangan ng Chess puwede ring ipangalandakan ang husay ni Pinoy GM Julio Catalino Sadorra.
Masaya rin ang mga Pinoy chess fans nang angkinin naman ni Philippine Chess ranked No. 3 Sadorra ang 2013 UT Dallas Fall Grandmaster Invitational na ginanap sa Embassy Suits, Dallas, Texas kahapon.
Sumulong si Sadorra ng 6.5 points matapos itulak ang dalawang huling panalo sa event na ipinatupad ang nine-games round robin format.
“Before the last round, I had to “muster up the courage” to fight dahil half point ahead na po ako sa field” saad ni seed No. 3 Sadorra. “Pero natandaan ko po ang sinabi po sa akin ng coach ko na mas maraming natututunan kapag nilalaro ang game.”
Pinagpag ni Sadorra (elo 2577) sa last at ninth round si Velentin Yotov (elo 2568) ng Bulgaria sa 24 moves ng Reti upang siguruhin na masusungkit ang titulo.
“Hindi pumasok sa opening preparasyon ko si Valentin (Yotov) pero maganda ang lumabas na middle game position dahil binigyan niya ako ng chance na atakihin ang hari niya sa gitna.” Wika ni sadorra na nag sacrifice ng kabayo sa 10th move.
Sa penultimate round, alanganin ang posisyon ni Sadorra subalit nagawan nito ng paraan para manalo upang umangat ng kalahating puntos sa mga katunggali papasok ng huling ikot.
Yumuko si Sadorra kay Kritz matapos ang 34 sulungan ng French defense subalit tumapos lang ang huli ng 5.5 pts. para lumanding sa third place.
Samantala, ayon kay Sadorra nagkaroon siya ng GM trainer at coach dahil sa tulong nina Darcy Tabotabo, Jojo Dondon at Gilbert Ababat na kanyang mga fans.
“Nagpapasalamat ako sa pinoy chess fans na tumulong sa akin makakuha ng professional GM trainer,” sabi pa ng Pinoy woodpusher.
Bukod kay Kritz, may 5.5 puntos din sina GMs Conrad Holt at Alejandro Ramirez ng USA.
Matapos ipatupad ang tie-break points tinanghal ng second place si Holt, (elo 2534) habang pang-apat si Ramirez, (elo 2597).
The post Sadorra bida sa Grandmaster invitational sa Dallas appeared first on Remate.