HUWAG mag-donate ng mga expired na gamot para sa survivors ng super typhoon Yolanda.
Ito ang panawagan ng Food and Drugs Administration (FDA) sa mga taong may mabubuting puso na patuloy na nagkakaloob ng donasyon para sa mga typhoon survivors sa Eastern Visayas.
Batay sa Advisory 2013-054, nanawagan ang FDA sa publiko na kung magdu-donate ng gamot ay tiyaking nasa apat na buwan o higit pa bago tuluyang mag-expire ang mga gamot.
Pinaalalahanan din ng FDA ang donors na ang mga gamot ay dapat na mula sa mga lehitimong drug outlets, distributors, at manufacturers.
Dapat din na ang labeling ay may English translation o nasa wikang mauunawaan ng mga pasyenteng Pinoy at healthcare professionals.
Nagpaalala pa ang FDA na ang mga donasyong gamot ay dapat na iugnay sa kaukulang government agency para matiyak ang kalidad ng mga ito.
Samantala, binalaan naman ng FDA ang Yolanda survivors laban sa self medication o pag-inom ng mga gamot ng walang reseta mula sa doktor upang makaiwas sa mas malaking problemang pangkalusugan.
Ipinaliwanag ng FDA na mahalaga ang pagkonsulta sa manggagamot sa halip na makinig sa sabi-sabi.
Anang FDA, ang mga gamot ay dapat na iniinom batay sa payo ng doktor o health official.
Payo pa ng FDA, dapat suriing mabuti ang expiration dates at pisikal na itsura ng gamot gaya ng kulay at kung buo pa ito o durog na ang mga ito.
Nagpaalala pa ang FDAna sakaling may kakaibang epekto ng gamot na maramdaman ay agad itong i-report sa kanila sa pamamagitan ng report@fda.gov.ph.
The post FDA sa donors: Wag mag-donate ng expired na gamot appeared first on Remate.