INIALAY ang sariling buhay ng 28-anyos na helper nang iligtas ang kanyang amo na nawalan ng malay sa loob ng lilinisin na bunker tank kahapon sa Taguig City.
Namatay habang ginagamot sa Rizal Medical Center ang biktimang si Sherwin Julao, helper, ng 1515 Eusebio St., San Miguel, Pasig City habang inoobserbahan pa sa naturang pagamutan ang biktimang si Peter Javier, 25, assistant supervisor ng Topchem Corporation at residente ng 920 Fabella St., Mandaluyong City dulot ng matinding pagkakalanghap ng hindi pa batid na uri ng kemikal sa loob ng bunker tank.
Kapwa isinugod ng mga nagrespondeng tauhan ng Taguig Rescue Team at Bureau of Fire Protection sa naturang ospital ang mga biktima matapos silang makuha na kapwa walang malay sa loob ng bunker tank dakong alas-4 ng hapon
Batay sa isinagawang imbestigasyon nina SPO1 Razel Gaspar at PO3 Roger Aquilesca ng Investigation and Detective Management Branch ng Taguig police, unang pumasok sa naturang bunker tank ng Regent Foods Corporations sa Elisco Road, Ibayo Tipas si Javier upang suriin ang isasagawang paglilinis sa tanke bilang sub-contractor ng naturang kompanya.
Napansin ni Julao na nawalan ng malay ang kanilang supervisor kaya’t kaagad din siyang pumasok sa bunker tank upang iligtas si Javier subalit maging siya ay nahilo at nawalan din ng ulirat.
Dahil dito, agad na humingi ng tulong sa mga awtoridad ang kasamahan pa ng mga biktima na nakilalang si Christopher Yap, 39, warehouse man ng kompanya, hanggang magresponde na rin ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection at Taguig Rescue Team na may sapat na kagamitan upang mailabas sa bunker tank ang dalawang biktima.
The post Helper inialay ang buhay para sa bisor appeared first on Remate.