NAGBABALA ngayon ang pamunuan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na kakasuhan ang mga lokal na pamahalaan na mapatutunayang nag-iipit o nagtatambak ng relief goods sa halip na ipamahagi sa mga sinalanta ng bagyong Yolanda.
Ang babala ay ipinahayag ni DSWD Secretary Dinky Soliman kaugnay sa nadiskubre na ilang gabinete ng Pangulong Noynoy Aquino na gabundok na relief goods ang nakatambak lamang sa mga bayan ng Tanauan, Javier, Dulag at Mayorga.
Ani Soliman na ipasisilip niya sa kanyang mga tauhan kung may katotohanan ang ulat na ito at matiyak na tumutupad sa kanilang tungkulin ang mga lokal na pamahalaan.
Samantala, sinabi ni Soliman na ligtas ang mga relief goods na ipinamamahagi ng DSWD sa mga naapektuhan ng bagyong Yolanda sa Region 8.
Ito ang tiniyak ng DSWD sa harap ng reklamo ng ilang residente sa Tanauan, Leyte na nagka-diarrhea sila dahil sa bigas na ipinamahagi ng lokal na pamahalaan.
Ayon kay Soliman, dumaan sa inspeksyon at proseso ang mga relief goods bago ito ipamahagi sa mga nasalanta ng bagyo.
Sa katunayan, sinabi ni Soliman na nagtalaga na sila ng mga taong nangunguna sa pag-inspeksyon sa pagre-repack ng mga relief goods upang matiyak na ligtas ang mga ito.
The post Magtatago ng relief goods kakasuhan appeared first on Remate.