NASA 1, 200 biktima galing sa Leyte ang dumating sa Villamor Airbase ang naihatid na sa kani-kanilaang kaanak sa Metro Manila at mga kalapit probinsya sa pamamagitan ng Project Yakap.
Kinumpirma ito ng mga kongresista sa isang press conference sa Kamara matapos pormal na ilunsad ang Project Yakap na ang pangunahing layunin ay pansamantalang kupkupin ng mga kongresista sa kani-kanilang distrito ang mga lumuluwas ng Maynila mula sa mga lugar na sinalanta ng kalamidad.
Ani Quezon City Rep. Winston Castelo, chairman ng House Committee on Metro Manila Development na hindi pa naman ngayon kailangan ang shelter o tirahan dahil ang mga nagsiluwas ay pawang may mga kamag-anak dito sa Kamaynilaan.
Tiniyak din nina Castelo, Western Samar Rep. Mel Senen Sarmiento, Valenzuela Rep. Sherwin Gatchalian at Eastern Samar Rep. Ben Evardone na kahit wala ang pork barrel ay tuloy ang pagkalinga ng mga mambabatas sa mga sinalanta ng bagyong Yolanda na nagpilit lumuwas ng Maynila.
“With or without PDAF we are willing to help, may natitira pa naman siguro remaining funds we intend to divert them,” ayon kay Castelo.
Tinaya ni Castelo na may kakayahan na magkupkop ng hanggang 300 katao ng bawat congressional district dito sa Metro Manila.
Hinimok naman ni Evardone ang gobyerno na maglatag ng agarang trabaho upang mabigyan ng kabuhayan ang mga biktima para sa agarang pagbangon ng mga ito.
Inihalimbawa nito ang food for work ng DSWD kung saan babayaran ang mga tumutulong sa relief operations, ang DOLE ay maglulunsad ng emergency employment program tulad ng lahat ng kukumpunihin ay dapat mabayaran ng ahensya, ang Department of Agriculture naman ay babayaran ang mga gumamit ng puno ng niyog o coco lumber para sa pagtatayo ng bahay sa halip na nakahambalang ito sa kalye na P300.00 bawat isa, at ang magtatanim ng niyog ay babayaran ng P40.00 bawat puno.
Sa panig naman ni Sarmiento ay binanggit nito ang Lakbayanihan na programa ng LGU sa pamamagitan ng Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP).
The post Project yakap ng solons umarangkada na appeared first on Remate.