TULOY pa rin ang pagtugis sa isa sa tinaguriang Big 6 na si Delfin Lee ng Globe Asiatique.
Ito ang sinabi ni Justice Secretary Leila de Lima sa kabila ng pag-abswelto ng Court of Appeals Special 15th Division kay Lee sa kasong syndicated estafa at sa pagpapawalang bisa sa mandamyento de aresto na ipinalabas ng hukuman sa Pampanga laban sa nasabing negosyante.
Sa isang mensahe sa text, sinabi ni De Lima na nananatili pa rin ang bisa ng arrest warrant dahil hindi pa naman pinal ang ipinalabas na resolusyon ng appellate court.
Kaugnay nito, sinabi ni De Lima na maghahain sila sa CA ng motion for reconsideration sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General para hilinging baligtarin ang nauna nitong desisyon.
Ang kaso laban kay Lee ay nag-ugat sa mahigit pitong bilyong pisong maanomalyang pautang na inaprubahan ng Pag-IBIG Fund para sa mga bumili ng bahay sa housing project ng kumpanya sa Mabalacat, Pampanga pero natuklasan na ang mga ito ay “ghost borrower” pala.
The post Pagtugis kay Delfin Lee tuloy – de Lima appeared first on Remate.