DAHIL sa walang tinukoy na pangalan bumaha naman ng mga kantiyaw at panghuhula mula sa ilang mga netizen kung sino talaga ang binansagang alyas “sexy” senator.
Agaw pansin ang salitang “sexy” sa seryosong pagdinig ng Senado kaugnay ng kontrobersiyal na multi-billion peso pork barrel scam.
Nabanggit ng whistleblower na si Benhur Luy na kabilang sa senador na sangkot sa pork barrel scam ay tinatawag nilang “sexy.”
Nilinaw naman ni Luy na ang tinutukoy nilang “sexy” ay hindi babae kundi lalaking senador.
Tinawag umano nilang sexy dahil noon ay mataba ang naturang mambabatas na biglang pumayat at nagkaroon ng seksing katawan.
Samantala, nagmamatigas si Luy na huwag pangalanan ang mga sangkot na mambabatas sa pork barrel scam alinsunod na rin sa kasunduan na inihain ni Justice Sec. Leila De Lima na haharap lamang ang whistleblower sa imbestigasyon ng Senado bastat hindi ito babanggit ng pangalan ng mga mambabatas.
Ilan pa sa ibinulgar ni Luy ay minsan daw ay pinepeke ang lagda ng ilang mambabatas sa utos na rin ng mga ito upang maisakatuparan ang paglabas ng pera mula sa Priority Development Assistance Fund (PDAF).
Agad ding nilinaw ni Luy na ito ay sa utos ni Janet Lim-Napoles sa pahintulot na rin umano ng ilang mga senador at kongresista.
Sinabi pa nito na mismong mga mambabatas lamang ang nag-uutos na i-forge ang kanilang lagda dahil sa oras ng liquidation ay kikilalanin o ina-acknowledge nila ang naturang pirma.
Magugunitang, depensa ng ilang senador na inaakusahang sangkot sa katiwalian ay peneke ang kanilang pirma kasabay ng panggigiit na wala silang kinalaman sa pork barrel scam.
Tahasan ding ibinunyag ng pork barrel whistleblower na hanggang sa 85 porsiyento ay hindi na naipapatupad ang proyektong pinaglaanan ng bilyun-bilyon pisong pork barrel ng mga mambabatas.
Sinabi ni Benhur, nasa 10 hanggang 15 porsiyento lamang nade-deliver o naipatutupad ang proyekto at ang nalalabi nito ay pawang ghost projects.
Kumukuha rin ng hanggang sa 10 porsiyento ang ilang implementing agencies sa milyun-milyong pisong ghost projects mula sa pork barrel ng mga mambabatas.
Nilinaw ni Luy na ang pera ay hindi napupunta sa tanggapan ng implementing agencies sa halip ay sa mismong opisyal ng tanggapan ng pamahalaan.
Magugunitang kabilang sa naungkat na implementing agencies sa pagdinig ng Senado ay ang NABCOR at ZREC.
The post ‘Sexy senator’ sa pork barrel, ‘di pa tinukoy appeared first on Remate.